Ako si Raymund Fabro Camat. Isang Ilocano, Pilipino, ama, asawa, anak, kapatid, financial advisor, kaibigan at anak ng Diyos. Nais kong ibahagi sa iyo and isang maigsing buod ng aking buhay. Sa pamamagitan nito, mas makikilala mo ako bilang isang tao.
Lumaki ako sa hirap sa isang maliit na bayan sa probinsya La Union. Ang aking mga magulang ay mga magsasaka na walang sariling lupa. Dahil sa kahirapan, hindi sila nakapagtapos ng pag-aaral kaya tanging pagsasaka lamang at pag-aalaga ng hayop ang alam nilang hanap buhay. Maliit pa lang ako ay mulat na ang aking mga mata sa kahirapan. Kahit salat kami sa pera, masasabi kong naging masaya naman ang aking kabataan.
Mayroon kaming sinasaka na maliit na lupa na pag-aari ng isa sa mga mayayamang pamilya sa aming bayan. Maraming taon kaming nagtatanim ng palay, pakwan, mais, tabako at mga gulay. Bago pa dumating ang anihan, baon na kami sa utang dahil wala naman kaming pampuhunan at lalong wala kaming nakukuhang tulong mula sa pamahalaan. Kapag bumagyo, nasisisira ang aming mga panananim o di kaya ay maliit na lang ang aming magiging ani at kita. Sa awa ng Diyos, hindi naman kami nalulugi. Nag-aalaga din kami ng mga hayop para mapagkunan ng dagdag kita.
Tulad ng maraming mahihirap na pamilyang Pilipino, nabaon din kami sa utang. Utang diyan, utang doon. Nababayaran naman namin ang mga ito ngunit maraming gabi na hindi makatulog ang aking mga magulang dahil sa kanilang mga utang. Dumating pa nga ang panahong kinailangan naming isanla ang lupang kinakatayuan ng bahay namin sa banko para lang may pangtustos kami sa mga pang-araw-araw na gastusin. Sa panahon na iyon mahirap na nga umutang sa banko, sobrang taas pa ang patong na interes. At kapag di kami nakabayad, mareremata ang aming lupa at bahay.
Habang lumalaki kaming magkakapatid, palagi naming nakikitang pinag-aawayan ng mga magulang namin ang pera. Naging manginginom din ang tatay ko na nakadagdag pa sa mga problema ng nanay ko. Pakiramdam ko, ang pag-inom ang isang paraan ng tatay ko para pansamantalang matakasan ang mga problema sa buhay. Hindi ko makakalimutan noong tatlong beses namin itinakbo ang nanay namin sa hospital dahil sa lubos na pagtaas ng blood pressure nya dulot ng matinding stress. Bilang isang bata, traumatic na masaksihan ang mga ganitong pangyayari. Hanggang ngayon bumabalik pa rin ang mga ito sa aking alaala.
Dahil sa kahirapan ng pamilya namin, pinagbutihan ko ang aking pag-aaral. Palaging sinasabi ng mga magulang ko noon na edukasyon lang ang tanging maipapamana nila sa amin dahil hindi naman kami mayaman. Salamat sa Diyos at binigyan naman niya ako ng galing at talino. Dahil nangunguna ako sa klase noong high school, naging libre ang aking tuition fees. Naging student council president din ako noong 4th year ako. Nakapasa din ako sa University of the Philippines (UP) admission test.
Nag-aral ko sa Unibersidad ng Pilipinas sa Baguio. Kinailangan kong makitira sa isang kamag-anak na hindi rin naging madali kasi kinailangan kong makisama. Pero dahil dito nakatipid ang aking mga magulang sa renta at ibang living expenses. Malaki ang pasasalamat ko sa uncle ko at ng kanyang buong pamilya. Tatanawin kong malaking utang na loob habang buhay. Masasabi kong sulit ang pag-aaral ko sa U.P. dahil dito ko mas naintindihan ang mundo at lipunan.
Naging DOST scholar ako noong college. Naging manunulat din ako sa isang online publishing company na nakabase sa Amerika. Dahil dito, naitawid ko ang mga gastusin noong kolehiyo ako. Pero habang nag-aaral ako, batid ko ang hirap ng aking pamilya sa La Union. Kinailangang pansamantalang tumigil muna ang aking mga kapatid hanggang makapagtapos ako sa pag-aaral. Kailangang makapagtapos ako kasi ako ang inaasahan ng pamilya kong mag-ahon sa kanila sa kahirapan. Ako ang may obligasyon na pag-aralin ang aking mga kapatid sa kolehiyo.
Nakahanap naman ako kaagad ng trabaho sa Manila. Dahil sa mababa lang ang sahod ko noong una, nakitira ulit ako sa apartment ng auntie ko noong unang 5 taon ko sa pagtratrabaho. Biruin mo sa basement ako tumira dahil sa mas mura ang upa doon. Mainit at madilim ang aking tulugan pero tiniis ko iyon. Kailangan kong magtipid at mag-overtime sa trabaho para may maipadala ako sa aking mga magulang at kapatid. Nahirapan ako mag-ipon kasi sinusuportahan ko ang aking pamilya.
Sa unang trabaho ko nakilala ang first and last girlfriend ko na asawa ko na ngayon. Siya ay tubong Oriental Mindoro pero lumaki sa Nueva Vizcaya. Marunong mag-Ilocano at mabait kaya nakasundo ko kaagad. Kinasal kami taong 2012, 24 years old ako, siya naman ay 26. Sa parehong taon, biniyayaan kami ng anak na lalaki na nadagdagan ng isa pang lalaki at babae sa mga sumunod na taon.
Dahil maayos naman ang aking trabahong digital marketing, nakayanan kong buhayin ang mag-ina ko at suportahan ang pag-aaral ng aking mga kapatid. Malaki ang financial obligation ko kaya kailangan kong magsumikap. Laking pasasalamat ko at nakapagtapos lahat ang mga kapatid ko at mayroon na silang kanya kanyang trabaho.
Dahil napagbutihan ko ang trabaho ko bilang digital marketer sa pangalawang kompanyang pinagtrabahuan ko, nagkaroon ako ng pagkakataon na makapasyal sa Amerika noong 2014 and 2015, tig-tatlong buwan bawat taon. Napakasarap pala maglakbay lalo na sa Amerika. Hindi ako makapaniwala na makakarating ako sa isa sa pinakamayaman at pinakamakapangyarihang bansa sa mundo. Natutupad pala talaga ang mga pangarap basta magsipag at magsumikap ka. Walang imposible!
Isa sa magandang nangyari sa aking career ay noong nag-apply ako bilang financial advisor sa Sun Life sa taong 2012. Sabi ko noon sa sarili ko, wala naman mawawala kapag itry ko. Malay mo maging successful ako sa sales career na ito. Nag-umpisa muna ako bilang part timer kasi kailangan ko pa rin ng fixed income mula sa digital marketing office job ko. Bilang isang breadwinner, nakakatakot magfull time kaagad sa isang commission-based job lalo na wala pa naman ako karanasan sa sales at likas ako na mahiyain or introvert.
Dahil wala naman akong network para mabentahan ng life insurance and investment products, nagisip ako ng paraan para makakuha ng mga cliente. Dahil isa akong digital marketer, naisip kong gawin ang website na ito para makapagsulat ako ng mga articles na makakatulong sa mga Pilipino. Of course, habang natuto sila, pinopromote ko na din ang mga products ni Sun Life. Kung wala ang website na ito, hindi siguro lalaki ang bilang ng aking mga cliente na higit 400 na tao na ngayon.
Makikita mo dito ang mga naging awards and recognitions ko noong financial advisor ako. Isa na rito ang Macaulay qualification na 5 taon ko nang nagagawa. Nasa top 6% ka ng Sun Life financial advisors kapag Macaulay qualifier ka. Pinaka-proud moment ko noong naging Million Dollar Round Table (MDRT) qualifier ako noong 2018. Top 6% lang ng financial advisors worldwide ang nakakagawa nito. Pumunta ulit ako sa Amerika para umattend ng MDRT International Conference sa Los Angeles California. Siyempre dahil andun na rin ako, namasyal kami kasama ng aking branch manager at co-advisors sa mga tourist spots sa California, Nevada and Arizona. Sobrang saya ko kasi first time kong makapag long drive sa Amerika. Nag-drive ako Los Angeles to San Francisco papunta at pabalik. Nagdrive din ako papuntang Las Vegas at Grand Canyon sa Arizona. Hindi ko talaga makakalimutan ang karanasang ito.
After 5 years bilang financial advisor, napromote ako bilang isang unit manager. Ang trabahong ito ay manghikayat ng mga aspiring new financial advisors. Pwede pa rin ako magbenta pero mas kailangan kong magrecruit at magtrain ng new advisors para sumali sa aking team o unit. Napalaki ko naman ang aking team (na tinawag kong FIERCE unit) sa loob ng tatlong taon. Nagkaroon kami ng mga awards tulad ng Triple A award, pinakamataas na award na binibigay sa mga Field Managers ng Sun Life tulad ko. Dahil sa award na ito, nakapunta ako sa napakagandang bansa ng New Zealand.